Hindi na muna ako mangangarap ng lalampas sa bukas. Hindi na muna siguro. Wala pa akong kapasidad na mag-isip ng hihigit sa kaya kong isipin. Hindi naman sa napanghihinaan ako ng loob pero malamang sa oo na napipigilan akong magisip at mangarap ng mga bagay na mukhang imposible pero alam kong kakayanin ko.
Masakit mang aminin ngunit ito’y isang pansamantalang pagsuko sa pakikibaka ko sa lugar ko rito sa mundo. Nagsisinungaling ako kung sasabihin kong alam kong lilipas ito. Alam ko hindi pa—hindi pa agad.
Maraming akong pagkakataong makabawi sa kinalalagyan kong ito pero alam kong hinayaan ko ang sarili kong lunurin ng mga bagay na hindi ko kaya. Nilamon ako ng malalaking problemang pumapatong sa balikat ko upang hindi na muling makabangong muli.
Nakatatawang sa kabila ng mga nararanasan kong ito ay nakukuha ko pang magpayo sa ibang tao ng mga dapat at hindi nila dapat gawin. Parang nais kong maawa sa sarili ko, hindi, mali—ayoko sigurong umabot sa kabuktutan ng pagkaawa at pagpapaawa. Mas madali lang sigurong sabihin ang lahat kaysa sa gawin ito. Teorya ang lahat ng pagbangon sa pagkadapa, ng pagtawa sa kabila ng kalungkutan, ng pangangarap kahit wala ka ng mahawakan. Trial ang error. Pero laging lalamang ang error dahil narito pa rin ako.
Ang paulit ulit ng masungit na kalagayan ng walang ibang tatakbuhan at wala ring malalabasan.
Minsan iniisip ko ang katotohanang ako ang nagkulong sa sarili ko sa lugar na ito. Ikinandado sa labas upang wala ng malabasan. Sa kabila ng lahat ng ito wala akong inaasahang maglalabas sa akin dito—ako rin lamang.
Sa ganitong panahon ng kalituhan, ng pagkabaon sa pagiisip at pagbubuntong hininga marapat lamang na wala kang aasahan na magliligtas sa’yo. Pipi lahat ng taong hinainan mo ng payo noon. Bingi ang mga taong pinakinggan mo ang pagtangis nung naunang panahon. Walang kakayahan ang pinas-an mo noon upang dalhin sa mas maliwanag na kinalalagyan. Lahat sila wala kang dapat asahan.
Iisipin nilang madaling bagay lang ang iyong pinagdadaanan at alam nilang higit sa lahat ikaw ang maglalabas sa sarili mo sa kalungkutang pinasukan.
Pagod na nga siguro ako. Sapat na ang nauna at nasayang na pagtitiwala. Ubos na ang lahat ng kapasidad pa sa sunod na pakikipag-kaibigan. Said na ang lahat ng pakiramdam.
Ayoko na. Wala na munang lalampas sa talang ito. Tapos na. Gaya ng gulo ng utak ko at ng pinupunto ng sulat na ito hindi ko rin maisaayos ang buhay ko.
Masaya na ako. Salamat. KALIGAYAHAN. J
No comments:
Post a Comment