From Google |
Tumigil sa pag-inog ang
mundo at nawala ang tikatik ng relo. Tumigil ang lahat ng tao. Maging si Manong
driver na nagtatawag ng pasahero ay
napatigil ng nakanganga. Maging ako ay di makagalaw pero malinaw ang lahat sa
akin. Ang tanging gumagalaw lamang ay ikaw—dahan dahang lumilingon sa
pinanggagalingan ng malakas na dagundong ng kabadong puso.
Tumutok ang iyong mata na
wari’y nagtatanong ng milyong bakit. Nang sanlibong bakit siya at hindi ang
iba. Bakit ang siyang di marunong magmahal? Bakit ang siyang hindi marunong
makiramdam?
Yari sa bato ang pusong
nalilibugan sa gabukan. Walang maasahang pagmamahal sa tuod na inaalayan ng
pusong walang tinakbo kundi ang daan patungo sa unang araw ng makita ka’t agad
minahal ng lubusan.
Nanghinayang ang kabadong
puso sa lakas ng dagundong na narinig ng lahat. Umismir ang nakarinig at
napayurak ng malapot na tila gatas sa baku-bakong daan. Napailing ang ilan na
napagwaring—walang utak lamang ang iibig sa pusong kasing tigas ng bato
ang nilalaman.
Ngunit ako’y patuloy na
nagmamahal sa bato dahil nangarap akong mapapalambot ng pinakamahinay na
tikakatik ng ulan ang lahat ng matigas na bato. Tatangis muna ako sa bawat gabi. Hanggang sa susunod na pagkikita
ay masabi ng ibang lalambot din ang pusong bato sa pusong umaasa ng kamunting
pagmamahal.
Bato man ang puso at di
marunong tumugon sa sanlaksang pagmamahal na mula sa nag-alay, magmamahal rin
ang bato at ang nag-alay ay maghihintay kailanman abutin ang pagmamahal na iyon.
Uminog nang muli ang
mundo. Patuloy na nagmamahal ng semento at aspaltadong daan ang may pusong
bato—patuloy na nagpapasakit sa nagmamay-ari ng kabadong puso.
Ngunit parehas na
naghihintay. Ang isa’y kailan titigil lahat ng kahibangang ito at ang isa’y
kailan lalambot ang pusong bato at di na muling magiging luhaan.