Monday, August 6, 2012

Sa Nagmamay-Ari ng Pusong Bato

From Google

Tumigil sa pag-inog ang mundo at nawala ang tikatik ng relo. Tumigil ang lahat ng tao. Maging si Manong driver na nagtatawag  ng pasahero ay napatigil ng nakanganga. Maging ako ay di makagalaw pero malinaw ang lahat sa akin. Ang tanging gumagalaw lamang ay ikaw—dahan dahang lumilingon sa pinanggagalingan ng malakas na dagundong ng kabadong puso.

Tumutok ang iyong mata na wari’y nagtatanong ng milyong bakit. Nang sanlibong bakit siya at hindi ang iba. Bakit ang siyang di marunong magmahal? Bakit ang siyang hindi marunong makiramdam?

Yari sa bato ang pusong nalilibugan sa gabukan. Walang maasahang pagmamahal sa tuod na inaalayan ng pusong walang tinakbo kundi ang daan patungo sa unang araw ng makita ka’t agad minahal ng lubusan.

Nanghinayang ang kabadong puso sa lakas ng dagundong na narinig ng lahat. Umismir ang nakarinig at napayurak ng malapot na tila gatas sa baku-bakong daan. Napailing ang ilan na napagwaring—walang utak lamang ang iibig sa pusong kasing tigas ng bato ang  nilalaman.

Ngunit ako’y patuloy na nagmamahal sa bato dahil nangarap akong mapapalambot ng pinakamahinay na tikakatik ng ulan ang lahat ng matigas na bato. Tatangis muna ako sa  bawat gabi. Hanggang sa susunod na pagkikita ay masabi ng ibang lalambot din ang pusong bato sa pusong umaasa ng kamunting pagmamahal.

Bato man ang puso at di marunong tumugon sa sanlaksang pagmamahal na mula sa nag-alay, magmamahal rin ang bato at ang nag-alay ay maghihintay kailanman abutin ang pagmamahal na iyon.

Uminog nang muli ang mundo. Patuloy na nagmamahal ng semento at aspaltadong daan ang may pusong bato—patuloy na nagpapasakit sa nagmamay-ari ng kabadong puso.

Ngunit parehas na naghihintay. Ang isa’y kailan titigil lahat ng kahibangang ito at ang isa’y kailan lalambot ang pusong bato at di na muling magiging luhaan.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails