Sunday, June 20, 2010

WANTED: MANGGAGAYA!


Hindi ako ang binabasa mo. Ako ay anino ng kung sinong nangungupahan sa utak ko. Tulad ng linyang sinundan nito hindi ako ang nagsabi nito pero ngayon ay kasama sa aking artikulo na ngayo’y binabasa mo at nasa ilalim ng pangalan ko.

Mahirap hanapin ang sarili lalo kung hahanapin mo ito sa buhay ng ibang tao. Maging ang paghabi ng magkaparehong titik sa bawat katapusan ng pangungusap ay hindi ako. Namana ko ito sa isang makatang hindi mo kilala, siguro. Ngayon nga’y naghahanap ako ng sariling boses na matatawag kong akin. Ang talatitikang maakin kong walang ibang aangkin. Ngunit sabi nga ni Rene Villanueva “Kung hanggang ngayon wala ka pa ring sariling boses sa pagsusulat, huli na ang lahat”. Kung ito ang pagbabatayan ko, hindi naman ako papayag na hindi para sa akin ang pagsusulat.

Para sa akin ang pagsusulat ay buhay. Ang pagsusulat ang tanging paraan ng pagtakas ko sa mundo at sa mga taong nakikipanirahan dito. Ang tanging instrumento upang ako’y maging superhero at ang taong ayaw sa akin ang talo. Hindi naman ako bobo para hindi malaman na ang panggagaya ay mali pero kagaya ng sinabi ni Bob Ong “Walang sinuman sa mundo ang hindi makakasuhan ng panggagaya” at isa ako sa maaaring makulong kung mangyayari ito. Sa harap ng papel at panulat, ang laman ng utak ko at ang hinahabi nito ang aking isinusulat. Basta lang sumusulat, walang iniisip kung tama ba ang gamit ng “ng “ at nang” , ng “kung at “kong” at ng kung anumang mali sa balarila.

Malamang nakuha ko ang tono ko sa taong hinahangaan ko pero kabaligtaran ng huling taong nabanggit, nakulong ako. Nakulong ako sa panulat ng ibang tao at ngayo’y itinuturing na akin ang boses na narinig ko. Mahirap ng baguhin ang nakasanayan, mahirap ng magbago na naman ng boses, mahirap nang pumiyok, na naman.

Ang mahalaga ngayon ay kung may babasa ba sa ginaya. Mahirap na ngang sumulat lalo pa kung walang bumabasa sa’yo. Mali. Mas mahirap sigurong sa bawat pagsulat ko ay may umaangkin at sasabahing hindi iyon akin. Mahirap. Walang siguradong linyang para sa akin at walang tuldok na maaaring magtapos sa sinimulan at ihahain. Ngunit kung sinabi kong ako’y nanggaya maniniwala ka ba? Masasabi mo bang “Oo tama nga siya, nabasa ko na ito sa iba”. Pero pagkatapos mo itong basahin, tumayo sa harap ng kompyuter, maaalala mo pa kaya ako. At ako nga ay nakulong. Nakulong sa mundong ako rin ang gumawa at ako rina ng nagbagsak ng seradura. Hindi ko namanalayang nasa labas pala ang kandado at ngayon ako’y magisa. Inihihimig ang hindi ko kilala. Natatakot na baka isang araw paggising ko maging sarili ko’y hindi na rin kilalanin. Tatapusin ko na ang lathalain bago pa man may umangkin at ako’y hulihin.

*larawan galing sa http://www.visualparadox.com/images/no-linking-allowed-main/makingwaves.jpg

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails