nakita ko na naman siya. nakapamulsa. dala ang itim na bag na nakasingit sa pagitan ng braso at tagiliran. nakayuko. halatang sigurado sa pupuntahan.
at pumasok siya sa silid kung saan ko siya nakilala. nakasamang tumawa ng payak at pilit, magpulaang maluwat, mamula ng walang patumangga at hulihin ang tensyong mula sa kanyang dila.
sa tronong luklukan ang unang destinasyon kasunod nag paghahanap sa kasamahang hindi natagpuan sa opisinang tambayan. uupo sa harap ng computer at hahanap ng article—kung mayroon ang tugon ang kasunod na tanong ay “encoded na ba yun?” at kung wala naman ang napagkaisahan ng isip na itugon ang salitang “tamad” ang bunton at kung ang pinakasikat na linya naman na “naiwan ko sa amin” o “bukas” asahan mong ang sasabihin niya’y “ang ayaw ko sa lahat ay bukas, yun na ang parati kong narinig sa inyo”
sino nga ba siya? isang manghuhula sa unang buhay sabi niya, tahimik na tao—mahiyain hindi suplado. taong dapat nasa ayos ang lahat ng bagay at ang basura ang numero unong kalaban nya. nakababasa ng isip at ang barkada ang tanging makapagpapasaya. parati daw siyang masaya kahit walang kai-kaibigan para sa kanya. roller coaster ride ang buhay at may insomia. paano'y alas dos na nang madaling araw nagte-text pa. may matulaing dila at malawak na diwa. maraming bagay ang misteryoso sa kanya. sabi niya hindi niya kilala ang sarili niya, pero ang sariling pagmamahal--baka pa.
kung ano mang bagay ang nagtulak sa akin na kathain ang lathalaing ito, marahil ay sa kadahilanang humahanga ako sa tula at sa pagmamahal nya sa salita. kahit ayaw nyang amining isa siyang TUNAY NA MAKATA.