Ito na naman ako. Nakaharap sa monitor, may nakaipit na lapis sa nguso at sigarilyo sa tenga. Gaya ng parati kong ginagawa kapag iniisip kita. Ang aking makatang walang maisulat na magandang tula, ang makatang humihiling na tumingin sa nakaraan at naroon ang kasaysayan ng kanyang pagmamahal, ang makatang gaya ng tunay na adik na paulit-ulit na babalik para pumusta sa pag-ibig ng kanyang mahal.
Tapos na nga. Gumradweyt ka na. Hindi na kita muli pang makikita sa upuan mo sa opisina. Wala na akong dahilan para gabihin para lamang makasabay ka. Oo nga pala, marami pa nga akong utang sa’yo. Ang Red Series sa BENCH, Starbucks at libro ng isang aktibista-makata. Whew! Hindi muna ako magbabayad para may pagkakataon pa akong makita ka. Nakakatawang isiping sobrang lungkot ang nararamdaman ko sa tuwing iniisip kita. Napaka-pointless. Period.
Masarap nang tapusin ang post na ito. Una mangangatal ka lang sa pagkadiri, mapapangiwi at masusuka. Pangalawa hindi naman tayo o naging tayo para mag-inarte ako ng ganito. Kahit kapag humihiga ako ng tuwid at nakatihaya sa gabi ikaw ang pumapasok sa isip ko. Kung bakit hindi ko alam, marami akong iniisip. Puro ikaw. Lagi na lang ikaw. Ni kinabukasan ko hindi sumasalit sa tuwing iniisip kita. Kaya siguro may insomnia ka at hindi makatulog sa gabi dahil sa kaiisip ko sayo. Para akong tangaloids.
Sa tuwing naiisip kita nalulungkot ako. Wala ka na eh. Aalis ka na. Siguro pagkatapos ng isang buwan o tatlong buwan hindi na ikaw ang mababasa mo sa blog na ito. Mas mamahalin ko na ang bayan kesa sa’yo. Pero hindi mawawala ang isang ikaw sa isip ko. Binago mo kao, para maging manunulat, maging aktibista, maging tao kagaya mo.
Mamimiss kita. Yun lang naman ang nais ihatid ng talang ito. Yun lang. Kaya ko itong pahabain ng sobrang haba pero sa iisang bagay lang magtatapos ang lahat ng ito. Iisang bagay lang ang nais puntuhin nito. Mamimiss kita. Matatagalan ang paglimot ng isang ‘to sa’yo. Matagal. Kasing tagal ng panahong hinangaan kita. Pero babawasan ko ang mga blog post, babawasan ko ang mga pag-iisip, ang pagbasa ng mga nauna mong mensahe para lalong mapabilis ang paglimot.
Alam ko rin kahit pahabain ko ito ng milyang layo o light-year na layo pagtalikod mo sa alaala mong kasama ako ay makakalimutan mo rin ang lahat. Hindi ito pangunguna, ito’y paghahanda sa sarili ko. Pero umaasa akong sana man lang pag nagkita tayo ulit isang beses sa kinabukasan matandaan mo pa si INGAY na to. Sana. Hiling lang yan. Pero kung may lilimutin ka sa nakaraan mo sana wag naman agad ako.
And every time I close my eyes I thank the Lord that I found YOU
No comments:
Post a Comment