“Wala na ‘kong gaanong maalalang istorya. Siguro dahil pinilit kong tanggalin na sa isip ang mga nangyari, kasabay ng pagsunog sa mga gamit ko. Minsan iniisip ko 17 years old ako namatay pero hindi ako nailibing”
-Bob Ong (ABNKKBSNPLAKo?!)
Katulad n’ya, iniisip ko ring pagkatapos kong ipagdiwang ang ika-labing pitong kaarawan, namatay na rin ako. Namatay akong walang kakilala. Walang nakakakilala sa akin. Wala. Kahit ang sarili ko hindi ko rin kilala. Nakakatawa pero totoo. Pagkatapos kong ma-excite dahil isang taon na lang lalaya na ako sa poder ng aking mga magulang, mas masalimuot pala ang kakaharapin ko bago ko makuha ang kalayaang hindi ko tiyak kung gusto ko nga. Lahat sila nangunguna kung alin nga ang mas makakabuti sa akin. Habang busy ang lahat na pakialaman ang buhay ko, hindi nila nakikita at naririnig na ipinananalangin kong, “Sana nakakapili ng magulang, ng kapitbahay, ng makikialam sa akin”. Labing-pitong taong gulang na puro pagpapanggap. Pag-gusto sa ayaw. Pakikipaglokohan sa ngiti. Pakikipag-unahan sa luha. Nakakapagod.
Ako ang klase ng taong hindi mahilig magtanda ng bagay. Mangilan-ngilang masasaya at pinakamasasakit na bagay lang ang natatandaan ko. Kung bakit hindi ko rin alam, siguro dahil mas pinili kon g kalimutan ito. At araw-araw kong hinihiling na madaanan ako ni “amnesia” para isang pitik lang, isang kisap, wala na akong maalala. Kung ikaw ako, ‘di ka makakatagal. Ang parati kong kasama ay ang ako, si ako lang, wala ng iba. Wala kahit sino.
Hindi rin ako interesanteng tao. kat’wiran ko hindi ako “amusement center” o di kaya naman ay isang artistang bukas a ng buhay sa lahat ng paparazzi. Nakakapagod maging ako. Kaya mas pinili kong mamatay ng 17 years old, at katulad ng tao sa taas, di rin ako nailibing. Dahil kung nailibing man ako wala akong pambili ng kabaong at baka akalain ng iba na masama akong taong halang ang kaluluwa dahil ako lang ang makikiramay sa sarili ko. Pero kung papipiliin ako sa kabilang buhay na balikan ang buhay kong ito, malamang para sa iyo kalokohang balikan ang buhay na isinuka ko na, pero babalikan ko ang ako ngayon. Walang napapatunayan, walang kakilala kahit ang sarili, walang pinagkakatiwalaan. Bakit? Kun g wala man akong napapatunayan pa, aaksayahin ko ang buahy ko sa paghahanap ng wala para magkaroon ng meron, pipilitin kong makipagkilala, mapagod kausapin ang sarli at magtiwala,eh ano kung masaktan? Sabi mga, hindi mo mararanasan ang pakiramdam ng masaya kung hindi mo ito ikukumpara sa sakit na naranasan mo na. Katulad ng mahirap sabihing masarapa ang chocolate ng ibang bansa kaysa sa chocnut ng Pinas kung hindi mo pa natitikman ang dalawang ito.
Ngayon, patuloy muna akong magpapanggap na patay, mabuhay sa nakasanayan ko ng routine sa araw-araw. Hayaan na nating nakakapagod, mareklamo lang talaga ako pero hindi madaling sumuko. Hayaan nang hindi interesante basta kaya kong ipakilala ang sarili ko. Namatay man akong hindi nailibing, araw-araw na lang akong mananangis sa agunyas na tumutugtog sa utak ko tuwing ika-walo.
No comments:
Post a Comment