Monday, January 4, 2010

Sa Aking mga Kapatid


Nakakapagod nang sumulat ng kwento tungkol sa naunsyami kong pag-ibig, sa hindi malilimutang karanasan, sa kinatuwaan kong palabas at sa bagay na nagpasaya sa akin ng panandalian lamang. Naisip kong kahit wala akong kasintahan ay masaya pa rin ang buhay, kahit makalimutan ko ang hindi ko malilimutang karanasan at hindi ko na maalala ang kinatuwaan kong palabas at hindi na ako maging masaya sa nagbigay saya sa akin noon ay wala rin naman malaking pagbabagong maidudulot ito sa akin ngayon.

Bumaba ako sa gusaling aking tinitirahan upang pasumandali’y makihalubilo sa mga tao. Mas marami akong natutunan sa kanila. Nakakangawit pala ng paa ang maglakad kasama ang mga nagwewelgang drayber upang pakinggan lang ang kanilang hinaing. Nakapanlulumo palang marinig ang iyak ng isang inang nawalan ng anak dahil sa pagkakadukot dito at walang awang pagpatay dito. Nakalulungkot isiping habang ang ibang tao’y nagpapasasa sa bagay na hindi talaga para sa kanila ay may mga kababayan tayong halos isang beses o kung minsa’y hindi na kumakain sa isang araw. Nakakapagod palang sumigaw kung sa bawat pagpiglas ng tinig mo’y halakhak lang ang itutugon sa’yo.

Ngayon, nauunawaan ko na ang mga kapatid kong Pilipinong nakikibaka upang magkaroon ng magandang bukas ang susunod na salinlahi nila. Nauunawaan ko na din ang mga taong lumalaban sa pamahalaan dahil ramdam ko ang nais nilang ipaglaban. Nauunawaan kong hindi karahasan ang nais nilang ihasik kundi pagbuhay sa nagyeyelo nang pagkamakabayang ng kababayan nila. Hindi dugo ang nais nilang ihasik sa bandilang araw-araw nating pinapangakuan at araw-araw na inaawitan kundi pagkakaisa. Nauunawaan kong mahirap ang maging mahirap, at masakit na makitang walang nakauunawa sa bagay na iyong ipinaglalaban.

Habang pinapakinggan ko sila, hindi din pala gaanong kahirap ang buhay dahil masaya silang nangangalay dahil hindi sila nawawalan ng pag-asang balang araw lahat ng hinaing ay pakikinggan at lahat ng problema’y masosolusyunan. Ang pag-asa ang bumubuhay sa aking mga kapatid na nabubuhay sa kalye upang manawagan ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay. Alam nating sa mata ng Diyos lahat tayo ay pantay-pantay pero habang kumakalam ang iyong sikmura, nakaratay sa ospital ang mahal mo sa buhay, lumalaking mangmang ang iyong anak at lalong dumidilim ang bukas, hindi mo maiiwasang magtanong.

Ngayon, kagaya nila’y ipapaalam ko ang aking hinaing, ipadadama ko ang aking hibik at ipapamalas ko ang aking kakayahan. Ano kung bawiin ang buhay na pahiram sa akin, ano naman kung magkasugat ako dahil sa pagbomba ng tubig sa akin, ano naman kung pahirapan ako hanggang mamatay basta marinig nila ang hinaing ko kasama ang aking mga kababayang humihiling ng pagbabago. Wala man akong nakikitang magandang bukas sa ngayon, at solusyon sa lahat ng problema, alam ko hindi man ngayon o bukas, magkakaroon ng silbi lahat ng ipinaglalaban namin kasama ang mga kapatid kong aktibista kung tawagin.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails