Friday, January 29, 2010

G1bo at Edu: game na ba kayo?


Nagmamadali akong pumasok. Takte! Late na naman ako. Katulad ng dati, madadale na naman ako ng istrikto kong guro. Ipinaglihi s'ya sa pagiging organisado at mabuting tao (may balita pa ngang pinsan daw ng santo, peace).Nagtext ang kaklase ko "maReH, weR n U??nAsakiN n aNg fLagLets mU..uR so tAgaL". Oh siyett! Parang si Kris Aquino ang nagtext. Nagreply naman ako ng "baK8??aNung fLagLets??assiGnmEnt??"(ganyan talaga ang mga kabataang magtext ngayon, parang di itinuro nung elementary kung kelan gagamitin ang malaki at maliit na letter). "DadAting si GiBo!!at EdU!!ur sO taNga...hEhE!" sabi n'ya. Minura n'ya ako pero me "hEhE!"sa huli parang mas nakakaluko. Saka lang ako napatingin sa labas ng sinasakyan kong jeep at hoolah! Nakita ko ang napakarami, sunud-sunod at isang dipa lang ang agwat na mga tarpaulin ni G1bo at Edu na halinhinang tinakluban ang marusing na dingding na pampubliko(ihian ng mga Adan) at mga bangketa. At hindi pa ako nakuntentong nakatingin lang--binilang ko ito at nakapagsumang isandaan at labing siyam na tarpaulin na panay mukha ni G1bo ang nakapinta (hindi ko kinayang bilangin kung kasama ang tarpaulin ni Edu). Mula sa bayan hanggang sa iskul namin na malapit sa mall na tunog fiestahan. Ayos! Kaninong pondo naman kaya ito, baka dito ginastos ang perang dapat sana ay ginasta upang madala sa imprentahan ang magdadalwang taon na naming polyeto(literary folio) na hinding hindi maipamigay sa mga estudyante (happy 2nd birthday!). O kaya ay yung buwis na ibinayad ng mga tao dahil sa malaking tarpaulin na ang nakalagay ay "Pay Your Taxes Promptly".

Pagkarating ko sa paaralan, ay! Grabeng pila, mga silya at instant entablado na binubungan ng tolda, mga estudyanteng may hawak na kulay blue at green na flaglets. Sandamakmak na pamaypay na may mukha na naman ng dadating na kandidato, gurong pustura sa pagkakatayo pero wala ka, nakasimangot na din sa init at sumasabog na basag na mga speakers para sa tugtog na pang-JS Prom. Tapos na ang fiesta, kaya si G1bo lang at Edu ang talagang hinihintay.

Kabababa-baba ko pa lang ng aking bag biglang nagtambulan ang mga nirentang musiko ng paaralan--parang gunaw na ata, pati mga bata halit ang lalamunan sa pagtili, parang si Gerald at Kim ang dumating. Lumabas sa kanyang sasakyan si Edu... Game ka na ba? Ayt! Gwapo kung gwapo...iboboto ko! Gwapo eh! pero hindi doon yun eh! Ang mga estudyante at ehem..ang mga guro ay biglang nagkagulo, nagtabigan, nagsiksikan at nagtulakan makakamay lang! Teka bakit wala pa si G1bo! Baka traffic, malayo eh! At baka may tinapos pang trabaho sa pagiging Defense Secretary. O baka nagpapagwapo din.

Sinundan ng pagpapakilala ng aming presidente! Tao nga naman, malay ba nating kung close talaga sila, pero kung makapagsalita parang magkainuman lang dati sa isang lamesa at isang basong umiikot para sa tagay! Pagkatapos magpakilala, magpaikot-ikot sa entablado at magpatawang parang payaso--nagmamadali na syang umalis...Baka may TV guesting!

Matapos medyo kumalma at manahimik ang mga estudyante ay biglang me bumabang mga naka-SWAT uniform na may dalang baril na mahahaba at mga pulis, tumugtog na naman ang nakakapagpasikdo ng dibdib na tambol ng mga nirentahang musiko...Sigurado ako si G1bo na 'to. Nakagreen--ayos motif ng stage at mga tarpaulin (wag lang didikit sa halaman baka madilig). Kumaway, umikot at ngumisngis--ipinakilalang naman ng presidente namin at nag-speech...mahaba! At kung medyo wala kang sariling disposisyon sa buhay sure ko kapag nahawakan mo balota mo..."G1BO" ang mailalagay mo...At sumagot siya ng mga katanungan. Ang galing parang pati yung mga nagtatanong kasama sa magandang palabas at lahat ay SCRIPTED...

Bigla ko tuloy naalala ang tarpaulin n'ya... "G1BO... POSIBLE" Kung tunay ayos kung hindi...sayang naman ang tili at kamay at kawalan ng klase ng aking mga kamag-aaral.

Walang kaso sa akin kung pumunta man sila dito o hindi...Walang kaso sa akin kung mapaos ang mga tag-kolehiyo...Ang mahalaga yung magagawa nila. Mapaunlad kaya ng mga taong to ang Pilipinas at hindi masayang ang mga pangakong (napapako) kanilang binitawan sa mga di magkamayaw na estudyante ng mahal kong kolehiyo.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails