Isang taon at dalawang araw din nating napagt’yagaan ang ugaling ‘di maintindihan. Isang taon, mukhang maikli pero para sa akin mahaba itong labanan. Labanan ng pagtitiis mo’t kabaliwan ko. Nang pagluha ko at kawalan mo ng pakialam. Nang kakitiran ng utak natin, ng babaw ng tawa at lalim ng pangarap.
Nagpaalam ka at wala ng babalikan. Ako’y namaalam pero hindi sa’yo kundi sa pagkakaibigan. Hindi ako nagsisisi pero nanghihinayang. Saan? Sa pangakong ating binitiwan pero gaya ng huli mong mensahe, wala na itong bawian. Wala akong pinagsisisihan maliban sa mga pagkakataong kasama ko ang tagumpay pero wala akong kakampay. Pero binago mo ako sa paraang di kayang tanawin ng mata at arukin ng isip. Mali pala ang umpisa, magpapasalamat pala ako kahit huli na. Salamat sa taong iniwan mo sa akin para makasama, sa bagong ako na ginawa mo. ‘Yun lang siguro, para sa iba bayad na ako.
Hindi ko hinangad na ibalik ang pagkakaibigang tinapos mo. Para saan pa? Hindi na natin maaayos ang isang bagay na matagal nang wasak. Winasak ng kawalang tiwala, ng pagibig, ng oras, ng panahon, ng pagkakataon. Nang magsimula tayong humakbang patungo sa magkaibang landas, sinigurado nating wala na tayong naiwan. Pati nga yata alaala tinangay nang walang paalam.
Nagayon nga ay malayo na tayo--maliligaw na kung babalik, masusuka na kung patuloy na gigiit. Sabi nga ng isang makata “Ang umaalis ay hindi na nagpapaalam at ang nagpapaalam ay hindi na bumabalik”. Matapos mong mamaalam hiniling kong ‘wag ka nang babalik at akong namaalam upang hindi na makabalik.
Isang bagay na lang ang dapat kong gawin--ang pagaralang lumimot. Wala na ang ikaw, wala na ang forever. Paalam sa iyo taong pamilyar ang mukha pero di ko alam ang pangalan.
No comments:
Post a Comment