Mahal ko ang gabi, higit sa sinuman at kahit na sa ano pa man sa mundong ito. Dahil sa gabi nailalabas ko ang mga bagay na hindi kayang tanggapin ng araw. Sa gabi pwede akong umiyak ng walang nakahahalata, pwede akong magsisigaw ng palahaw, pwedeng tumulo ang uhog at luha nang hindi nahihiya. Dahil higit kaninuman at ano pa amn, ang gabi lang ang umiintindi at nakakaintindi sa akin--sa mga bagay na ayaw ko, sa mga bagay na naging dahilan ng mga taong pasakitan ang pagiging tao ko.
Natuto akong magtiwala sa gabi, nang ang lahat ng tao’y iniwan akong hindi na makilala at mapakinabangan. Nang mga panahong kahit ang taong ‘di nila kilala sa loob ko ay kinain nila at ‘di nagtira. Tinanggap ako ng gabi. Inakap ako kahit putikan, hinagkan ako kahit ang mukaha’y ‘di pa nahuhugasan.
Mahal ko ang gabi--ang aking gabi. Natuto akong manghuli ng sakit para lamang siya’y makadaupang palad. Hinayaan kong sinipin ng lamig ang nangangatal kong laman para lang masabi n’yang ‘di ko siya iiwan.
Sabay naming kinakalimutan ang mga taong iniwan akong luhaan, ang mga taong nagagalit sa aking kaligayahan at ang mga taong humahalakhak sa aking pagkabigo’t kamalian. Sa gabi ako masaya. Sa gabing parating nariyan, sa gabing parating handa akong damaya at akapin ng lamig, sa gabing ‘di mawawala kailanman. Alam kong hindi ako iiwan ng aking gabi kagaya ng pagiwan sa akin ng kaibigan o kaibigan pa nga ba ang tawagan?
Ngayon nga’y kaniig ko ang gabi. Pinagsasaluhan ang lupit ng mundong hindi perpekto. Pero kahit panay luha ang ipinaabot sa akin ng araw, alam kong pagdapit ng gabi mawawala lahat ng iyon. Ang akin na lamang hinihintay ay ang aking paghimlay kasama niya. Habangbuhay.
No comments:
Post a Comment