Tuesday, December 21, 2010

SALAMANTATIONS


magulo akong kausap. ngayon ko lang napatunayan. pati nga nararamdaman magulo rin kung minsan. malungkot ako ngayon mamaya iba na naman. hindi ako consistent na tao. hindi ako magaling tumupad ng pangako. kat’wiran ko “pinangakuan ka na nga gusto mo pang tuparin”-piolo.

kagaya ngayon, nalulungkot ako pero nakatagpo ako ng maraming dahilan para maging masaya. kahit pa maraming tao ang ayaw sa ‘kin (sabay maiisip mong ‘naman!’) at kahit pa feeling ko medyo ako’y talunan dahil sa pagasa sa mga taong pangako lang ang aking kayang bitiwan—masaya ako. bawal? marami akong dapat pasalamatan pero hindi ako masyadong showy na tao para akapin sila at ipagsigawang “salamat!!!”. di ko kaya yun. naiisip ko pa lang na gagawin ko yun nangangatal na ako sa ..period.

teka pano ko ba to sisimulan. nauuta ako, baka kasi meron akong makaligtaan tapos sabihing “asar ka naman pati ako kinalimutan?” ito na sisimulan ko na.


ke Lord- kahit ganito ako alam ko namang gets Nya ang pinagkakaganito ko. gets na gets Nya ko. di ko na kelangang magpaliwanag kong bakit ko yun ginawa o bakit hindi ko nagawa yun.

sa pamilya ko- sa walang sawang pagunawa. alam na nila yun. babawi na lang ako sa gawa.

sa TRIBO ng THE BEAT- ang higit sa kaninuman ay kilala ang likaw ng aking bituka. mula sa paborito kong apple at orange. sa walang hanggan kong pagsasalita at kung ano pang kalokohan. kaya kong gumala ng walang dala o magsaya ng walang pera pero yung sandaling maiisip kong di ko sila nakilala, teka parang di ko ata kaya. kay eic, kenn, marlon, reg, gerald, janine, aiko, lea, ceilo, nerie, khien at sa lahat ng bago sila ang dahilan kaya kinakaya ko lahat. para sa kanila. para makapanglibre ng bonggang bongga.

sa wave 28- sa unang taong nakilala ko sa trabaho. kay buen at albert na di ko na nakikita (di ko kayo tinataguan..pramis di talaga!) sa walang kapantay na ligaya sa loob ng sinehan at butt spell sa harap ng iba. sa experience na magtiwala sa bagong kakilala. hindi ako mangangako pero gagawa ako ng paraan sa muling pagkikita.

sa trainers, asg at ka-team mike- salamat sa suporta, sa pagintindi sa bawat DSAT na dumarating at sa walang sawang pagsasabing “ganyan talaga, bawi na lang sa susunod”. salamat sa pakikisama.

ke TL Mike- salamat sa pagintindi sa pagkakamali, sa panget na survey, sa lahat ng pagunawang di kayang pantayan ng sinuman sa trabaho. sa sobrang pasasalamat ko sayo, ayaw ko ng umalis sa team mo. sabi ko pa nga “baka magresign ako pagnawala sa sa team mo” ang sabi mo “baliw”. na-appreciate ko.haha

sa orange at sa apple- sa pagsama sa akin sa panahon ng kalungkutan.

sa aking inirog dalawang taon na ang nakakaraan hanggang ngayon- di ako umaasa, nagbabakasakali lang. pero salamat na rin sa pagtuturo sa akin ng aral tungkol sa pagibig na “hindi lahat ng gusto natin, gusto tayo”. salamat din sa pagbabahagi ng isipan mo. salamat. marami akong natutunan dahil sayo.

sa bfness ko- salamat. kahit di naman tayong laging magkasama at kahit pa nga hindi bestfrend ang turing mo (ata), salamat na din. ginawa mong kakaiba ang taon at ang aking birthday nung nangako tayong magiging magbestfrend (forever?)

ke uneng – salamat. yun lang.haha. sa pagteteks kahit nasa trabaho ka, kahit lasing ka, kahit nasa date ka (ata), at kahit wala ka ng cellphone salamat talaga. kahit ilang saglit sumasaya si luka.

ke mark Kevin- salamat sa pagkaibigan sa FB. salamat dahil sayo sa FB ako ay may binabalikan. salamat sa pagintindi sa kaartehan. kailangan kitang pasalamatan. bayad sa kakulitan. daghang salamat sa imo.

kay efel- sa pagsishare ng tungkol ke palalabs at sa pagbahagi ng kapiraso ng iyong pagiging kwentista.

sa mga youth- salamat din sa walang sawang pagiisip ng paraan para sumaya ang samahan.

SA LAHAT ng di nabanggit- salamat.

sabi nila kapag naalala mong magpasalamat sa lahat inihahanda ka ni kamatayan. ako naman wa cares kahit pa nga ako’y kanya ng pinagpaplanuhan. kung talagang di na kayang ipagpaliban eh ano pang magagawa ko.

BASTA SALAMAT SA INYO.

Friday, December 17, 2010

PANAGINIP



...sana kung ayaw mo na, sabihin mo lang bago ako mawala...- mayonnaise

kalungkutan.

hindi ako iyakin...di ako umiiyak sa harap ng maraming tao...kalokohan ang pagiyak sa drama, sa sine, sa lalaki sa kahit anupaman.

pero ngayon gusto kong magwala at umiyak. sa harap ng lahat. gusto ko lang ang ginagawa ko. anong point ng paggawa ng bagay na ayaw mo pala. pero minsan hindi lahat ng gusto mo ay makakapagpasaya sayo.

kagaya kagabi. gusto ko naman ang ginawa ko kaya lang sumaya ba ako pagkatapos. ah oo nga pala. sumaya ako kasi nariyan sila.


masaya nga pala ako sa kanila. lokohin man at paikut ikutin ako ng mundo at ng buhay kahit maghalinhinan pa sila, sa TRIBO talaga ako sasaya. pero pagkatapos ng masayang yun, ito ako. nagsisisi? pwede rin. pero hindi ako nanghihinayang. wag. bawal.

masakit ih. may kung ano sa aking hindi natapos ng gabing yun. hindi natapos ng apple at orange, ng manila.

ah oo nga. siya. maganda ang gabi maliban sa kanya.

wala akong dapat pagsisihan. pasensya kelangan kong kumbinsihin ang sarili ko para makahinga. mahirap kasing sisihin ng sarili. ewan. gawain ko yun.

pero sana nagpasabi sya. sayang kasi. ang effort ang lahat. ang panahon ko sa kanya, ang tawa ang oras ang lahat na.

nanghihinayang pala ako. pero hindi sa pera at hindi sa hindi nagpakitang makata, pero nanghihinayang ako.

ayoko na. nasabi ko rin sa kanya. para matapos na. ang sabi nya "ok pasensya" sabay tawa. ang saya saya.

tama na. hanggang dito na lang muna. teka hihinga lang para naman hindi kapusin.

iyakin.

='(

MASAYA



di na ako nakakapunta dito...busy? medyo..may trabaho na kasi. wala na rin siguro akong pupuntahan dito, hindi dahil wala ng bumabasa sa mga nakasulat dito kundi dahil wala na ang aking sinusulatan...

pero sumusulat pa rin ako...mahaba, maikli, ngunit kalimitan panay simula...madalang na akong makatapos kahit isang talata. tamad na akong humawak ng panulat - wala na rin naman ako sa dyaryo ng the beat, wala na rin naman ang aking makata.

nasa puso ko pa rin naman ang pagsusulat kaya lang--kagaya ng lumang kasintahan, nasa puso pero hindi na masyadong napapagtuunan ng pansin. parang kahapon minsan lang maalala kapag lang nade- dejavu.

para rin palang pag-ibig, sa simula lang masarap (Bamboo).

kalungkutan. bakit nga ba ako malungkot. kasi naman yung taong mahalaga sa akin na sa facebook ko lang nakikita lagi pa akong walang halaga (hindi si makata-nakikita ko s’ya). yun namang parati kong katext wala ding kwenta. wala namang maganda.

nabubuhay ako ng ganito lang. kalat sa Lipa. ilipad-higupin ng malamig na umaga para umabot sa trabaho. pagdating naman tatamarin ka lang tapos magpapatugtog ka ng malungkot sa tenga maya maya emo ka na. ganun ako. lahat dinadaan sa kanta.

kaya walang pumapansin sakin. kasi di ko din naman sila pinapansin. pasok ka ng dept store magpasak ka sa tenga, instant wala ka na sa ikot ng mundo ng magtitinda na walang ibang tanong “ anong hanap?” minsan natutukso akong sumagot ng pabalang pero napipigilan pa naman.

matagal na nga akong di nasulat. wala na ang likas na kwentista. hindi na rin maganda ang katha ng letra. ang iba masakit sa tenga. ano naman? sabay pasak ng musika sa tenga.

napadaan lang ako dito, bukod kasi sa kanta—letra ang kasama ko sa t’wina. hindi “hobby” sa akin ang pagsusulat. buhay. nabanggit ko na ata pero ayos lang. emphasis.

aalis na ako. kung nagbasa ka, salamat. kung magcocomment, ayus na rin sana. kung wala kang “say”, wala na akong problema. kung na-boring, magpasak ka ng kanta sa tenga.


PAALAM (na naman!?)


GOODBYES ARE INEVITABLE... NAINVENT KASI YAN SO WE CAN SHOW PIPOL WE LOVE HOW MUCH DEY MEAN 2 US AND TREASURE EVERY MOMENT AND EXERT EFFORT. PAG DUMATINGUNG TIME DAT WE HAVE 2 FINALLY SAY GOODBYE WE WILL NOT HAVE REGRETS DIBA?





yan ang eksaktong mensaheng natanggap ko galing sa aking trainor na si boss arlyn susa. natuwa akong naiintindihan nya ang bagay na pinagdadaanan ko.ang bagay na nagbibigay sa akin ng dahilang kumatha, ang bagay na nagbibigay sa akin ng lungkot at nagdudulot ng sakit at paulit ulit na pagkadala.

ang pakikipagpalagayan ng loob sa ibang tao ang isang bagay na may kahirapan para sa akig gawin. una dahil sa karanasan at paniniwalang lahat ng taong darating sa buhay mo ay aalis din lamang naman. ang salitang GOODBYES ARE INEVITABLE... ay hindi iisang beses ko lang narinig pero hindi ko pa rin makuha ang logic sa salitang paalam

bakit kailangan pang dumating ng isang tao kung aalis din lamang naman sila.. ='(

sinimulan ni derks, ng tribo, ni renz, ni benjo, ni ed, ni buen, ni albert, ni darwin, ni alfred, ni kuya noel, ni boss eric, ni boss darl at ni boss arlyn...

nakasanayan ko na ang buhay ikasama sila...tapos sa GOODBYE lang pala magtatapos ang lahat...

sabi nga ng isang makata "kung ayaw mong masaktan ng ibang tao wag mong ipagkatiwala ang kaligayahan ng araw mo sa kanila" tama...mabuhay ba ng magisa ang ibig sabihin nito... Sabi nga kung sa daang yun ay paulit ulit kang nadarapa bakit kailangan mo pang bumalik doon...

kung sa pakikisama at pagtitiwala ka sa iba paulit ulit na nasasaktan bakit babalik at babalik ka pa din dun..

ang PAMAMAALAM ang isang bagay na di ko nakasanayan..ang paalam ang isang bagay na di ko kayang iwasan at paulit ulit na nagbabalik ng lungkot..

sana isang araw paggising ko di na uso ang goodbye...

isa pang goodbye...di ko na malulunok yun...

nawa'y masulusyunan ng anghel sa ibabaw ng demonyo sa bilog na bote ang kalungkutang ito...

='(


Wednesday, August 25, 2010

MISS na kita...

( sa pagitan ng tagalog at ingles )


namimiss ko na nga - ang taong dati rati'y nagpapakilig sa akin. ang taong hininhintay ko para lamang makita. ang taong parati kong nais panghimasukan para magalit at pansinin ang akong nagpapansin.

ngunit magkahiwalay na kami ngayon. madalang ko na rin siyang makita o makausap kahit makatext. kaya ayaw ko ng ulan - ang ulang inari niyang kanya. kaya ayaw ko ng misteryosong tao dahil naaalala ko siya sa kanila. kaya ayaw ko ng taong malalim dahil dinadala nila ako patungo sa alaalang kanya.

oo tama, ang sulat na ito ay kahimig ng mga sulating naisulat ko na para sa kanya. iisang linya, iisang hilahil, iisang kawalang pagasa. namimiss ko na nga siyakahit hindi ko alam ang tagalog sa sakitang iyon. basta sa tuwing bubuksan ko ang aking mga nakasave na mensahe, ang sa kanya ang parat kong tinitingnan.

napagkasunduan na namin ng sarili kong kung hindi man bigla ay dahan dahang ibaon sa alaala ang taong naging inspirasyon ko sa bawat tala kong tungkol sa pagibig, pagasa at pagkabigo.

nakakatawang kahit ni silip sa pagasa ay hindi ko nakita sa kanya pero umaasa ako at patuloy na aasa. at patuloy akong sumasaya. sa pagitan ng katahimikan, ng doon at dito, ng siya at ako ay sumasaya ako. ngumingiti pa din ako kapag bumabalik ang alaala. mahal ko pa rin siya kahit matagal na. matagal na nGa.

patuloy at paulit ulit kong binabasa ang kanyang hilang tuldok na produkto ng itim na sabaw ng kanyang utak. di ko inaasahang maapreciate niya ang talang ito o basahin man lang pero umaasa ako.

paulit ulit. pabalik balik sa kahapon at sa kanya, sa akin at sa di nawawalang pagmamahal at pagasa.

tama. miss ko na nga siya ng lagi, ng araw araw, ng walang patid. malayo siya sa akin ngunit gaya ng layo ng robinsons lipa sa sm ganung kalayo ang agwat namin sa isa't isa. pero gaya ni genevieve asenjo "ANG PAGIBIG AY DISTANSYA"

kaya nawa'y lumayo pa siya.

Sunday, June 20, 2010

WANTED: MANGGAGAYA!


Hindi ako ang binabasa mo. Ako ay anino ng kung sinong nangungupahan sa utak ko. Tulad ng linyang sinundan nito hindi ako ang nagsabi nito pero ngayon ay kasama sa aking artikulo na ngayo’y binabasa mo at nasa ilalim ng pangalan ko.

Mahirap hanapin ang sarili lalo kung hahanapin mo ito sa buhay ng ibang tao. Maging ang paghabi ng magkaparehong titik sa bawat katapusan ng pangungusap ay hindi ako. Namana ko ito sa isang makatang hindi mo kilala, siguro. Ngayon nga’y naghahanap ako ng sariling boses na matatawag kong akin. Ang talatitikang maakin kong walang ibang aangkin. Ngunit sabi nga ni Rene Villanueva “Kung hanggang ngayon wala ka pa ring sariling boses sa pagsusulat, huli na ang lahat”. Kung ito ang pagbabatayan ko, hindi naman ako papayag na hindi para sa akin ang pagsusulat.

Para sa akin ang pagsusulat ay buhay. Ang pagsusulat ang tanging paraan ng pagtakas ko sa mundo at sa mga taong nakikipanirahan dito. Ang tanging instrumento upang ako’y maging superhero at ang taong ayaw sa akin ang talo. Hindi naman ako bobo para hindi malaman na ang panggagaya ay mali pero kagaya ng sinabi ni Bob Ong “Walang sinuman sa mundo ang hindi makakasuhan ng panggagaya” at isa ako sa maaaring makulong kung mangyayari ito. Sa harap ng papel at panulat, ang laman ng utak ko at ang hinahabi nito ang aking isinusulat. Basta lang sumusulat, walang iniisip kung tama ba ang gamit ng “ng “ at nang” , ng “kung at “kong” at ng kung anumang mali sa balarila.

Malamang nakuha ko ang tono ko sa taong hinahangaan ko pero kabaligtaran ng huling taong nabanggit, nakulong ako. Nakulong ako sa panulat ng ibang tao at ngayo’y itinuturing na akin ang boses na narinig ko. Mahirap ng baguhin ang nakasanayan, mahirap ng magbago na naman ng boses, mahirap nang pumiyok, na naman.

Ang mahalaga ngayon ay kung may babasa ba sa ginaya. Mahirap na ngang sumulat lalo pa kung walang bumabasa sa’yo. Mali. Mas mahirap sigurong sa bawat pagsulat ko ay may umaangkin at sasabahing hindi iyon akin. Mahirap. Walang siguradong linyang para sa akin at walang tuldok na maaaring magtapos sa sinimulan at ihahain. Ngunit kung sinabi kong ako’y nanggaya maniniwala ka ba? Masasabi mo bang “Oo tama nga siya, nabasa ko na ito sa iba”. Pero pagkatapos mo itong basahin, tumayo sa harap ng kompyuter, maaalala mo pa kaya ako. At ako nga ay nakulong. Nakulong sa mundong ako rin ang gumawa at ako rina ng nagbagsak ng seradura. Hindi ko namanalayang nasa labas pala ang kandado at ngayon ako’y magisa. Inihihimig ang hindi ko kilala. Natatakot na baka isang araw paggising ko maging sarili ko’y hindi na rin kilalanin. Tatapusin ko na ang lathalain bago pa man may umangkin at ako’y hulihin.

*larawan galing sa http://www.visualparadox.com/images/no-linking-allowed-main/makingwaves.jpg

Monday, May 24, 2010

ngayong baynte na ako!

*larawan galing sa isang sinusubaybayan sa youtube_utubelyrics_*

Nagising ako. Kalagitnaan na ng gabi madaling araw na nga ata. May kabanasang taglay ang gabi kaya panay ang balikwas ko sa hinihigaan ko. Minarapat ko na lamang bumangon. Nagbukas ng kompyuter at humarap. Ayus parang sauna. Nakaharap ako sa monitor at tinatanggap ang mainit nitong hulab.

Naisip kong mag-imbentaryo ng buhay ko. Dalawampung taon na rin.

Sabi ng nanay ko “wala pa ring bait” sa mga kaibigan “easy-go-lucky” sa mga guro “tamad” sa mga ka-tribo “maingay”. Para sa sarili ko: Ako yung klase ng taong nakikipagbuno sa mundo para sa sarili kong pwesto.Pwesto para manatiling nakatayo at may pakinabang sa mundo.

Sa siste ng pag-ibig:

Wala. Olats. Una dahil nakaprograma na ata sa utak ko na agaw sa ma-freedom kong buhay ang pagbo-boypren. Tama. Agaw sa oras. Effort sa panahon. Aksaya sa energy. Hindi rin naman ako likas na “sweet” na tao. Kung mahal kita? Sa utak ko lang yun. Ni hindi ko nga natatandaang sinabihan ko ng “iloveyou” ang mga magulang ko. Sweet noh? Kahit sa mga past relationships ang isa ito sa mga pinagtatalunan namin. Oras. Ayaw ko ng pipilitin akong magtext kahit ayaw ko. May magtsi-check kung kumain na ko. Mamimilit makipag-date. At kung anu-ano pang kabaliwang naiisip ng magkarelasyon. Dahil opinion ko yun. At dahil ganoon akong tao.

Sa pagiging kapwa:

Likas akong mapakialam na tao na ayaw pakialam. Magaling akong magpayo ng mga bagay na di ko kayang gawin sa sarili ko. Sira ulo. Matandaan kong wala akong tinuring sa mga kaklase kong “kaibigan” maliban sa mga katribong kaklase ko. Ayaw ko kasi ng maligalig na tao na kagaya ng mga kaklase ko. Ayaw ko yung klase ng taong kalbo ka na nga tatanungin pa kung nagpagupit ka samantalang hanggang sakong ang buhok mo dati. Yung ganun. Madalas mangyari. Sa ibang tao ako yung “Ah si Ate A*%#@, yung maingay na babaeng cool”. Sabi lang nila yan. Kala nila totoo. Ang di nila alam naloko ko sila.

Sa tribo:

Maingay. Nakakairita. Maingay. Malakas tumawa. Ayus lang. Tanga. Mga ganyun. Ako “no comment” silalang ang mga tanging taong nakakakilala sa akin ng ganyan. Yung alam nila ang tunay. Hindi yung alam ng ibang taong ako na hindi naman. Sa kanila ko naramdaman ang tunay na pagiging tao. Yung ako. Yung pede akong sumuka kapag lasing. Magmura kahit nasa kalagitnaan ng saya. Maglupasay sa pag-iyak. Magkakanta ng sintunado. Sila ay mga totoong taong may kabaliwang taglay. Ayus. “Birds with the same feather makes a good feather duster” ika nga ng isang artista. At ako kasama sila ay magandang feather duster.

Sa loob ng dalawampung taon naging masaya naman. Sa loob ng dalampung taong may ilang pinanghinayangan, may ilang nais ibalik, nais mawala, ayusin, iwanan, tawanan, iyakan, tisurtisurin, at tuluyang limutin.

Kagaya ng kantang “Isang Linggong Pag-ibig” ganyan ang buhay para sa akin. “Kung gaano kabilis ang iyong pagdating ang pag-ailis mo’y sadyang kaybilis din”. Ang buhay? Nakakaloko yan eh, kaya tatawanan ko na lang. Para masaya.

Sa totoo lang di lang talaga ako antukin kaya ganito ako. At lahat ng nasa taas pauso ko lang yan pero di ko kayo niyabang. CHAR!

Sunday, May 9, 2010

Ang Experience ng First Time Voter

*ang larawan ay mula sa internet. Yahoo!
Maaga akong nag-alarm. Effort na ang 5:30 na gising. Isang linggo pa bago mag-eleksyon nakapaggawa na ako ng kodigo (sana ganito rin kapag midterm at final term). Naligo ako (effort na naman dahil TTh lang akong naliligo_BO), kailangan ko yun dahil alam kong haharapin ko ang mala- enrollment na pila.

Anak ng tipaklong, alas-siete pa lang hanggang Bermuda Triangle na ang pila. Syempre ako si miss atat, nagpunta sa listahan ng mga boboto sa bawat precinct. Dyaskeng sa huli ko pa nakita ang pangalan ko. Syempre lahat ng relo ng BEI ay sira kaya 7:30 na sila nagbukas at para silang mga teacher ko sa math nung elementary at high school, mangangagat kapag nagkamali ka nang isasagot sa kanila. Ang iinit ng ulo ang aga aga pa.

Tatlong dipa ang layo sa pintuan ng langit. At ang nag-aayos ng pila may favoritism. Pag matanda pasok lang ng pasok, pag buntis pasok lang ng pasok. Kapag pipi, bingi, pilay, bungal, walang isang kuko, hingkay, ngongo, may split ends, busarga ang buhok at kapag pinsan niya daig pa ang nilagyan ng katas ng okra sa dulas ng pagpasok. Ako kasama ng kagaya kong kumpleto ang lahat at labis pa ng kaunti ang utak para sa kalokohan ay "pinatutun-ugan" sa init. Voila! Parang ini-steam ng shomai. Para maiboto ang KABATAAN PARTLIST at ang SALI kailangan kong magtiis ng init.

Ayos dumating ang inay. May bitbit na pulang payong. Sumakit bigla ang ulo ko. Pula ang lahat ng nakikita ko. Muntik ko makalimutang nanay ko siya ng bigla siyang sumingit sa pila sa harap ko at nasundot ako ng payong niya. (Tiis. Nanay ko yun eh).

Andaming naka-I.D ng POLLWATCHER. Sila yung tipong nagpapasikip ng pila. Ang bukam-bibig "Te singit mo na itong si ate nahihilo na kasi siya". Ako rin naman ah! Ah...hindi ako tao at hindi nila halata yun kaya kahit abutin ako ng closing ng precinct ay ayos lang. Hanggang sa nagkatension at nagtulakan ang mga tao. Feeling ko Ozone Club ba yung nasunog? Ganun. Mainit, lahat gustong mauna.

Hanggang sa dumating ang tatay ko. Nagmamamdali. Stress. "Tagal nyo na dito, isa't kalhating oras adito pa din kayo? Bakit kasi nagpapasingit." Tama badtrip nga ang tatay ko. Mabuti na rin dahil mas mabilis naming narating ang pinto. Pagpasok, dalwang buntis at isang senior citizen ang isiningit sa harap ko. Utos daw yun. Ganun daw talaga. Ang BEI parang interrogator. Pangalan, precinct no., number mo dun. Syempre ako hahagya nang nakakahinga sa sikip medyo nagtagal ang pagsagot. Anak ng patani uminit ang ulo ng BEI "Maam kaya tayo nagtatagal, bilisan naman po natin. Madadali lang naman po antanong ko diba?" Ako "Naku pasensya na di ko alam eh. Pakiutusan mo na lang ang isa dyan na silipin sa listahan (antotoo alam ko naman. Badtrip lang ako dun sa BEI at ugali ko talaga ang manadya). Nung sa tantya ko ay malapit na ang inutusan nung BEI ay sunod sunod kong sinabi ang PANGALAN KO PO AY... 30A ang precinct no., at no.6. Sabay ngisi.

Habang umiiling ang BEI ay binigyan ako ng ballot. Marker. Folder na labas ang kalahati ng balota ko. Pagkaupo nilabas ko ang aking kodigo. Pagkatapos tumayo. Pumunta sa BEI. Naglagay ng ballot. Narinig ko ang BEI na nagsabing "Pakihintay congratulations ke Pareng PCOS bago kayo umalis" Naisip ko tuloy magkumpare sila. Baka yung anak ng PCOS ay inaanak nung BEI o vice versa. Di ko na inalam. Nagpunta ako sa naglalagay ng indelible ink. Si manong todo nga ang paglalagay. Yung totoo manong di pa ako nakakapag thumb mark. Baka ganun talaga una yung tinta. Sinita nung isang teacher si manong maglalagay ng indelible ink. Mali daw yun. Nagthumb mark na lang ako at umalis na. Pagalabas ko ang haba pa din ng pila. Umuwi na ako. Pede palang kahit sa loob namimigay ng kung ano ano. Kahit pera lantaran.

Yun na ang itsura ng eleksyon sa Pinas at pati ang eleksyon sa munting bayan kagaya ng amin marumi na rin.

Tapos na rin sa wakas. Hanggang sa uulitin.

Friday, April 30, 2010

KAPAL NG MUKHA ANG KAILANGAN KO MAIPOST LANG TO!

Ito na naman ako. Nakaharap sa monitor, may nakaipit na lapis sa nguso at sigarilyo sa tenga. Gaya ng parati kong ginagawa kapag iniisip kita. Ang aking makatang walang maisulat na magandang tula, ang makatang humihiling na tumingin sa nakaraan at naroon ang kasaysayan ng kanyang pagmamahal, ang makatang gaya ng tunay na adik na paulit-ulit na babalik para pumusta sa pag-ibig ng kanyang mahal.

Tapos na nga. Gumradweyt ka na. Hindi na kita muli pang makikita sa upuan mo sa opisina. Wala na akong dahilan para gabihin para lamang makasabay ka. Oo nga pala, marami pa nga akong utang sa’yo. Ang Red Series sa BENCH, Starbucks at libro ng isang aktibista-makata. Whew! Hindi muna ako magbabayad para may pagkakataon pa akong makita ka. Nakakatawang isiping sobrang lungkot ang nararamdaman ko sa tuwing iniisip kita. Napaka-pointless. Period.

Masarap nang tapusin ang post na ito. Una mangangatal ka lang sa pagkadiri, mapapangiwi at masusuka. Pangalawa hindi naman tayo o naging tayo para mag-inarte ako ng ganito. Kahit kapag humihiga ako ng tuwid at nakatihaya sa gabi ikaw ang pumapasok sa isip ko. Kung bakit hindi ko alam, marami akong iniisip. Puro ikaw. Lagi na lang ikaw. Ni kinabukasan ko hindi sumasalit sa tuwing iniisip kita. Kaya siguro may insomnia ka at hindi makatulog sa gabi dahil sa kaiisip ko sayo. Para akong tangaloids.

Sa tuwing naiisip kita nalulungkot ako. Wala ka na eh. Aalis ka na. Siguro pagkatapos ng isang buwan o tatlong buwan hindi na ikaw ang mababasa mo sa blog na ito. Mas mamahalin ko na ang bayan kesa sa’yo. Pero hindi mawawala ang isang ikaw sa isip ko. Binago mo kao, para maging manunulat, maging aktibista, maging tao kagaya mo.

Mamimiss kita. Yun lang naman ang nais ihatid ng talang ito. Yun lang. Kaya ko itong pahabain ng sobrang haba pero sa iisang bagay lang magtatapos ang lahat ng ito. Iisang bagay lang ang nais puntuhin nito. Mamimiss kita. Matatagalan ang paglimot ng isang ‘to sa’yo. Matagal. Kasing tagal ng panahong hinangaan kita. Pero babawasan ko ang mga blog post, babawasan ko ang mga pag-iisip, ang pagbasa ng mga nauna mong mensahe para lalong mapabilis ang paglimot.

Alam ko rin kahit pahabain ko ito ng milyang layo o light-year na layo pagtalikod mo sa alaala mong kasama ako ay makakalimutan mo rin ang lahat. Hindi ito pangunguna, ito’y paghahanda sa sarili ko. Pero umaasa akong sana man lang pag nagkita tayo ulit isang beses sa kinabukasan matandaan mo pa si INGAY na to. Sana. Hiling lang yan. Pero kung may lilimutin ka sa nakaraan mo sana wag naman agad ako.

Text Box: And every time I close my eyes I thank the Lord that I found YOU

Text Box: And every time I close my eyes I thank the Lord that I found YOUAnd every time I close my eyes I thank the Lord that I found YOU


Sunday, April 4, 2010

Panayam sa isang UMIIBIG


si AKO

ano gang cnsbi mo?

4:31pm girl pa-next

na alin?

4:32pm si AKO

ung hapiness and energy mo

4:32pm girl pa-next

happines and energy? haha

4:33pmsi AKO

ung hapiness mung sinasabi

bakit ka happy

4:33pm girl pa-next

ah wala nevermind kahit sa bahay tinatanong ako hindi ko din alam haha

4:34pmsi AKO

tae mu ka

hmp

4:35pmgirl pa-next

hahaha masaya. :D:D

4:36pmsi AKO

:-):-)

ako din

ahehehe

4:54pmgirl pa-next

naiiyak ako angge, naalala ko si (ex-BF)

4:54pmsi AKO

haist...alam ko...sya lang naman lagi

lagi...

ayos lang yan... iiyak mo lang yan ng iiyak

4:55pmgirl pa-next

Hindi ko nga talaga kaya, iba kasi sya eh. baka humagulgol ako dito sa harap ng pc. :'(:'(

4:55pmsi AKO

alam ko.... iba kasi sila,... dahil mahal natin

4:56pmgirl pa-next

oo. :'((

4:56pmsi AKO

haist...alam ko ang nararamdaman mo

4:57pmgirl pa-next

ganito ka na din sa May or June. :(:(

4:58pmsi AKO

siguro...pero madali lang...hindi dahil ko siya ganoong kamahal kundi dahil hindi ako marunong magsayang ng buhay ko

gaya ng sabi nya.... KUNG TAYO..TAYO TALAGA

MALAY MO SA SUNOD NA BUHAY TAYO NA



*sa ganito dumaloy ang usapan namin... maikli lang pero puno ng laman...sabi nga nagmamahal tayo dahil nature na ito ng mga tao... kaakibat na rin nito ang sakit at ang matagal na paglimot...


natatagalan tayo sa paglimot dahil nagmahal tayo ng sobra at nasaktan tayo...


sabi ng isang makata..


"TALO AKO AT GAYA NG TUNAY NA ADIK AKO AY BABALIK, ALAM KO KAHIT AYAW MA NG DIBDIB KO MATATAGALAN TO PWEDENG BUKAS O MAKALAWA PARA PUMUSTA, PUMUSTA SA LARONG HINDI KO RIN ALAM KUNG PAANO MAMUHUNAN NG PANALO"


sana paggising ko ayos na si GIRL pa-NEXT!!!

Friday, April 2, 2010

para sa isang kaibigan... hindi ka mawawala dito! sa puso ko


apat na taon sa kolehiyo. apat na taon ng pag-aaral. apat na taong pagpuno sa utak ng sandatang kailangan sa habang buhay na labanan. sa pagtatapos ng apat na taon, hindi ba’t mas masarap alalahanin ang bawat bitaw ng joke na tinawanan, ang pag-abot sa tagay ng katabing halang, ang bawat away na pinagtulungan, ang iyak ng kabarkadang iniwanan? apat na taon ang dumaan, at ngayon panahon na ng singilan…apat na taong itatapon sa kawalan, apat na taong mababalewala, apat na taong pinaghirapan. at isa ka sa apat na daang taong pinagkatiwalaan ng apat na taong buhay ko sa koleheiyan. :’c

*inayos ko lang ang ispeling…pero ito ang eksaktong mensahe niya sa akin… mamimiss ko ang taong ito…kahit pa beso beso lang ang naging dahilan ng klowsness…pero higit pa sa akala niya ang dahilan ng pagkamiss ko sa kanya…


A sad thing in life is that sometimes you meet someone who means a lot to you only to find out in the end that it was never bound to be and you just have to let go.


MAMIMISS KITA GIRL!!!

TEXT ni GIRL robin sa akin…Kagabi_2-Apr-2010 09:45:12 pm


Wednesday, March 31, 2010

mALaS aKo--KATAPUSAN!

MARSO 31, 2010

malas yata sa akin ang katapusang ito. maraming kamalasan ang nangyari sa akin na ngali-ngali na akong magsisigaw sa sama ng loob. sa katunayan, ako naman talaga ang may kasalanan kaya lang talaga atang ipinanganak akong masama ang ugali. aminado naman ako. kaya lang nakakasakit na ako ng ibang tao.

umagang-umaga, hindi pa nagsisimula ang klase namin, isang kaklase ang sinigawan ko. hindi lang siya basta isang kaklase para sa akin, isa siyang malapit na kaibigan. sumama ang loob niya sa akin at nag-iiyak siya sa sama ng loob sa akin. wala akong nagawa kundi ang panoorin siyang umiyak. ako? nakatingin lang pero paulit-ulit na tumutunog sa utak ko ang salitang PASENSYA...
STRIKE 1

pagkauwi ko, dali-dali akong nag-online at nakisali sa kaguluhan sa loob ng peysbuk. NOMONOTIFICATION ako dahil nagla-log ang internet kapag nakikipag-chat, kasama ng mga kaibigan. nag di sinasadyang pangyayari ay nakapagkomento ako ng di kagandahan. naloko ko kasi ang isang kaibigan sa dati nitong kasintahan. unang nag-react ang lalaki.
STRIKE 2

habang naggigilit ako ng final burador ng aming literari folyo na galing sa printing press ay nakaresib ako ng mensahe. ang babae naman ang nagreact. sinabi nyang hindi na ito applicable kahit "SPLIT" na sila. AWTS
STRIKE 3

out of the game na ako. masama nga talaga ang ugali ko. binuwan. hindi rin ako pwedeng mangatwiran ng "eh ganito talaga ako eh" dahil nakakahiya. manahimik na lang ang tangi kong magagawa.

masama pala sa pakiramdam ang magsumbong sa papel. una masakit sa puso at pangalawa masakit sa kamay. nakakangaly humabol sa sumbong. nakakapagod makinig at mas masarap matulog na lang. alas dose na rin kasi.

*hindi yata ako hiyang sa mga katapusan. sayang blue moon pa naman!

Monday, March 29, 2010

Marlboro. yung Layts!

Naghahanap ako ng bagong pagkakaabalahan. Niluma na ako ng peysbuk at ng prendster. Naghahanap ako ng matinong blog. Blogger ako eh. Kung hindi ka naniniwala malamang parehas tayo. Di ko rin minsan kayang paniwalaan ang gayong titulo. Nakakahiya, nakakapanliit, nakakagago. Wala naman akong matinong sasabihin wala naman kasi akong kwentang tao. Ako yung tipo ng tao matatalisod mo sa kanto, nakikipagsiksikan sa pila ng lotto o nakikihagikhik sa kwentuhan sa kanto. Isa ako sa inyo. Baka. Siguro.

Pero ngayong matino ako marami akong gustong sabihin. Ganito talaga ako, maraming komento pagkatapos magpakalunod sa isang stik ng marlboro. Yung layts para di gaanong makarhat sa lalaugan. Ang gusto kong sabihin?ah oo. Tama. Di nga pala ito tungkol sa sigarilyo. Ang gusto kong sabihin, PILIPINO ako. Yun lang. Pero pagkatapos ko itong sabihin ang utak nyo na ang magdurugtong ng kahit papaano. Magaambag ng kaunti sa laman ng utak kong malabnak. Parang burak sa pasig. Parang ang sikip ng skwaters erya sa lahat ng parte ng mundo ko. Ng pilipinas.

Pero hindi lang dapat ganito ang sasabihin ko. Dapat marami pa. Pero sigurado, di ka makikinig o di ka interesado. Sabagay sino nga naman ako. Nakikipagsiksikan sa mundo at pati sa filipinowriter.com na ito. Kunware rayter ako at kunware matino na rin kagaya nyo.

Sya hanggang dito na muna. Sana sa susunod mong punta may mabasa ka na. Sana. Kung may mauutangan ako ng pambili ng marlboro. Ung layts para di makarhat sa lalaugan kong pagas.

Monday, March 22, 2010

sana di na lang dumating yung isa

ngayon alam ko na kung bakit sya nagsusulat. nagsusulat sya hindi lang para mabasa. nagsusulat sya oo, para maipahayag ang saloobin nya pero higit doon, gusto nyang mapansin mo sya. mapansin mong "masipag pala tong isang to". mapansin ang dahilan kung bakit sya nagpupuyat sa gabi, nagsasayang ng maraming pahina sa kanyang kwaderno at hindi manghinayang sa mga bolpeng pula ang tinta. magpapansin lang sayo.

at ngayon mas pupuyatin nya ang sarili nya. mas masasayang ang pilas ng kwaderno at magpapakagastos sa pulang bolpen dahil nagkaroon na sya ng karibal sayo.

natakot siya...
natakot syang mapaltan. natakot syang baka paggising niya ayaw mo nang basahin ang mga gawa nya at masyado kang mawili dun sa isa. ayaw nya, baka maumay syang magsulat at tuluyang bitiwan ang pangarap na maging manunulat. na-threaten sya at yung bagong dating ay parang death threat sa kanya.

kinabahan sya...
baka ma-OP sya at tuluyang mawala sa linya. kahit pa nga kung anong ikina-bossy bossy mo sa kanya alam nyang magkukulang sya kung wala ka. nakita mong mayroon sa bagong dating na wala sa kanya at harap harapan mong mo iyong isinambulat sa mensahe mo sa kanya.

nasaktan sya...
hindi sa wala syang karapatan. sumasaya ka kasi kapag nadyan yung isa. mas gusto mo ang isinusulat nung isa at natagpuan mong ginagaya ka lang nya. kahit nung una pa man ayaw na nya dun sa isa, dangan nga lang at wala naman itong masamang ginagawa. nagseselos lang siguro siya.

humiling sya...
na sana hindi na lang dumating yung isa. na sana ganito na lang ang takbo ng buhay sa inyong dalawa. na sana sya lang ang kasama mong umuwi sa gabi at sumagot sa iyong mga mensahe. bakit kasi dumating pa yung isa kung kailan aalis ka na. di pa hinayaang makaalis ka muna.

nalungkot sya...
baka sa pagalis mo hindi mo na sya maalala at iyong isa lang ang mapasama. nalungkot na naka isang araw makalawa hindi mo na gusto ang ginagawa niya at natakluban na nung isa.

natawa sya...
wala naman talagang punto ang ipinagkakaganun nya. wala. dahil wala kang gusto sa isa o kaya naman ay sa kanya.

-mami-miss ka lang nya kaya siguro sya sulat ng sulat kahit wala naman pala. sana parati kang dadaan sa blog nya para magbasa. lilipas ang ikaw sa buhay nya pero alam nyang matatagalan pa.

photo by findstuff22

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails