Friday, January 29, 2010

SIPNAYAN

(kumpisal ng isang English major)

Ano bang mayroon sa subject na ‘to na naririnig ko pa lang ay nangangatal na ako at naghihikab sa kaba?

Simula nang tumuntong ako sa Grade 3 ay nagsimula na rin ang pagka-ayaw ko dito, kung hindi man ako inaantok malamang makikita mo akong nakahalumbaba, nakatingin sa labas ng bintana at hinahayaan ang isip kong magbyahe papunta kay Mickey Mouse sa Disneyland. Hindi naman ako bobo, hindi naman ako tamad mag-aral, wala din naman akong gusto o ayaw. Basta lang pagdating sa subject na ‘to nagmumukha akong bobo, tamad, at maarte. Tinanong ko rin ang nanay ko kung bakit hindi n’ya ako na-motivate na gustuhin ang subject na ‘to, ang sagot n’ya sa akin “Oo”. Ang layo ng sagot n’ya, malamang ayaw din n’ya.

Natatandaan ko pa nang minsang ipahiya ako ng guro ko dahil hindi ko nasagutan ang problem n’ya sa blackboard, pati nung muntik na akong ma-drop at hindi na maka-graduate dahil hindi ako ipinasa ng guro ko. Masamang alaala ang dulot sa akin ng subject na ‘to. Minsan nga pag gusto kong makatulog at hindi ako sinipot ni antok sa date namin, naghahawak lang ako ng reference book ng subject na ‘to, tiyak tulog ako. Ang subject din na ito ang isang magandang dahilan para lagnatin, sumakit ang ulo at sumakit ang lahat ng pwedeng sumakit sa akin.

Na-trauma rin yata ako nung nakita ko kung paanong inginudngod ng guro ko ang kaklase ko. Hindi yata kasali sa utak n’ya ang salitang sipnayan. Grabe ang ginawa ng guro ko. Ibang klaseng motibasyon yata ang tawag dun. At isang strategy para mas umunti ang tinuturuan n’ya at tumaas ang bahagdan ng mga estudyanteng nagda-drop sa klase namin. Simula ng makita ko ang ginawa ni Madam sa kaklase ko, nagsimula na akong maging relihiyosong tao. Lahat ng santo at santa na kilala ko at lahat ng pwedeng tumulong sa akin wag lang matawag para sa recitation at magsagot ng board problems n’yang pang-genius ay tinatawag ko at dinadasalan. Pero minsan nagkulang ata ako ng isang dasal o nagkamali ako ng alay dahil bigla akong tinawag at hindi ako nakasagot. Ayos! Napahiya na ako, nasabon pang walang banlawan.

Nang magbukalat ako ng isang luma at kakalahati ng kopya ko ng English-Tagalog Dictionary nakita kong ang tagalong pala sa Mathematics ay Sipnayan. Ikaw ayaw mo din bang math?

G1bo at Edu: game na ba kayo?


Nagmamadali akong pumasok. Takte! Late na naman ako. Katulad ng dati, madadale na naman ako ng istrikto kong guro. Ipinaglihi s'ya sa pagiging organisado at mabuting tao (may balita pa ngang pinsan daw ng santo, peace).Nagtext ang kaklase ko "maReH, weR n U??nAsakiN n aNg fLagLets mU..uR so tAgaL". Oh siyett! Parang si Kris Aquino ang nagtext. Nagreply naman ako ng "baK8??aNung fLagLets??assiGnmEnt??"(ganyan talaga ang mga kabataang magtext ngayon, parang di itinuro nung elementary kung kelan gagamitin ang malaki at maliit na letter). "DadAting si GiBo!!at EdU!!ur sO taNga...hEhE!" sabi n'ya. Minura n'ya ako pero me "hEhE!"sa huli parang mas nakakaluko. Saka lang ako napatingin sa labas ng sinasakyan kong jeep at hoolah! Nakita ko ang napakarami, sunud-sunod at isang dipa lang ang agwat na mga tarpaulin ni G1bo at Edu na halinhinang tinakluban ang marusing na dingding na pampubliko(ihian ng mga Adan) at mga bangketa. At hindi pa ako nakuntentong nakatingin lang--binilang ko ito at nakapagsumang isandaan at labing siyam na tarpaulin na panay mukha ni G1bo ang nakapinta (hindi ko kinayang bilangin kung kasama ang tarpaulin ni Edu). Mula sa bayan hanggang sa iskul namin na malapit sa mall na tunog fiestahan. Ayos! Kaninong pondo naman kaya ito, baka dito ginastos ang perang dapat sana ay ginasta upang madala sa imprentahan ang magdadalwang taon na naming polyeto(literary folio) na hinding hindi maipamigay sa mga estudyante (happy 2nd birthday!). O kaya ay yung buwis na ibinayad ng mga tao dahil sa malaking tarpaulin na ang nakalagay ay "Pay Your Taxes Promptly".

Pagkarating ko sa paaralan, ay! Grabeng pila, mga silya at instant entablado na binubungan ng tolda, mga estudyanteng may hawak na kulay blue at green na flaglets. Sandamakmak na pamaypay na may mukha na naman ng dadating na kandidato, gurong pustura sa pagkakatayo pero wala ka, nakasimangot na din sa init at sumasabog na basag na mga speakers para sa tugtog na pang-JS Prom. Tapos na ang fiesta, kaya si G1bo lang at Edu ang talagang hinihintay.

Kabababa-baba ko pa lang ng aking bag biglang nagtambulan ang mga nirentang musiko ng paaralan--parang gunaw na ata, pati mga bata halit ang lalamunan sa pagtili, parang si Gerald at Kim ang dumating. Lumabas sa kanyang sasakyan si Edu... Game ka na ba? Ayt! Gwapo kung gwapo...iboboto ko! Gwapo eh! pero hindi doon yun eh! Ang mga estudyante at ehem..ang mga guro ay biglang nagkagulo, nagtabigan, nagsiksikan at nagtulakan makakamay lang! Teka bakit wala pa si G1bo! Baka traffic, malayo eh! At baka may tinapos pang trabaho sa pagiging Defense Secretary. O baka nagpapagwapo din.

Sinundan ng pagpapakilala ng aming presidente! Tao nga naman, malay ba nating kung close talaga sila, pero kung makapagsalita parang magkainuman lang dati sa isang lamesa at isang basong umiikot para sa tagay! Pagkatapos magpakilala, magpaikot-ikot sa entablado at magpatawang parang payaso--nagmamadali na syang umalis...Baka may TV guesting!

Matapos medyo kumalma at manahimik ang mga estudyante ay biglang me bumabang mga naka-SWAT uniform na may dalang baril na mahahaba at mga pulis, tumugtog na naman ang nakakapagpasikdo ng dibdib na tambol ng mga nirentahang musiko...Sigurado ako si G1bo na 'to. Nakagreen--ayos motif ng stage at mga tarpaulin (wag lang didikit sa halaman baka madilig). Kumaway, umikot at ngumisngis--ipinakilalang naman ng presidente namin at nag-speech...mahaba! At kung medyo wala kang sariling disposisyon sa buhay sure ko kapag nahawakan mo balota mo..."G1BO" ang mailalagay mo...At sumagot siya ng mga katanungan. Ang galing parang pati yung mga nagtatanong kasama sa magandang palabas at lahat ay SCRIPTED...

Bigla ko tuloy naalala ang tarpaulin n'ya... "G1BO... POSIBLE" Kung tunay ayos kung hindi...sayang naman ang tili at kamay at kawalan ng klase ng aking mga kamag-aaral.

Walang kaso sa akin kung pumunta man sila dito o hindi...Walang kaso sa akin kung mapaos ang mga tag-kolehiyo...Ang mahalaga yung magagawa nila. Mapaunlad kaya ng mga taong to ang Pilipinas at hindi masayang ang mga pangakong (napapako) kanilang binitawan sa mga di magkamayaw na estudyante ng mahal kong kolehiyo.

Friday, January 22, 2010

Hubad ang Pilipinas


Habang naglalakad ako nakita kong hubad ang Pilipinas, napagtanto kong walang dangal ang mga kababaihan, walang paninindigan ang mga kalalakihan at walang kinabukasan ang mga kabataan. Iyan ang Pilipinas na wala akong nagawa upang bihisan. Wala akong nagawa kundi pagmasdang gahasain ng panahon. Hinalay nang kinakalinga niya ang Pilipinas. Ang mga Pilipino ang gumahasa at nagnakaw nang dangal sa bansang hindi ko hinainan ng aking lakas at ng aking papuri.

Ang mga batang walang panty sa daan ay lalaking naghuhubad sa harap ng karamihan. Ang mga batang lalaking nagtitinda ng sampaguita upang buhayin ang ama niyang lasinggero ay lalaking sanggano sa kanto at mga pondohan. Wala nang bukas para sa susunod na iluluwal ng bayang walang bisa.

Ang Pilipinas ay bayang may batas na hindi maintindihan at ang mga nakakaintindi ay hindi sumusunod. Ang bayang lahat ng nagtatapos ay nangingibang-bansa at ang mga nalinlang ng illegal recruiter ay nagsusumikap na lang na magtrabaho sa bayang hindi sila kayang palamunin. Ang bayang ang ibang lahi ang mayayaman at ang mga Pilipino ang alipin sa bayang siya ang nagmamay-ari. Ang bayang totoong bato ang mga bayano at ang buhay na bayani ay hindi kinikilala.

Muli akong naglakad at natagpuang naghihingalo na ang bayang pag-aalayan ko ng diploma upang magbawas ng mangmang. Naisip ko—ano ba talaga ang magagawa ko? Iisip ba ako kung paano tutulong o di kaya’y wag na lang maglakad kinabukasan?

DECK


Pikit na mata sa dilat na diwa, ganyan ang pakiramdam ko sa tuwing nakikita ko siya. Para s’yang hininga ng pangarap sa walang direksyon kong buhay. Ang ngiti niya ang tanging nagpapabuhay sa tumining kong dugo. Mahirap siyang pasayahin, oo alam ko, ngunit patuloy akong umaasa na balang araw ay mapapasaya ko siya sa paraang alam ko.

Sa tuwing nagkikita kami, isang tipid na ngiti lamang ang pinakakawalan niya ngunit sapat na ito para makibaka ako sa salimuot ng maghapon. Siya ang rason kung bakit gusto ko pang magising sa umaga at ang bawat pagtakbo ko upang umabot sa bukas. Ipinanalangin kong masasalubong ko siya upang pamuli’t-muli pa’y bigyan ako ng inspirayon.

Sa bawat bigwas ng aking lapis sa gusot na papel, siya ang nasa isip ko. Sana isang araw mabasa niya ang bawat katagang nilikha ng pahat kong puso upang maiparating ko kung gaano siya kahalaga sa akin. Nais kong makilala niya ako ng lubusan, makipagpalitan ng kuru-kuro sa kanya, dahil alam ko marami akong matututuhan sa kanya.

Ngunit ano ito, kabaliktaran ng nais ko ang nangyayari. Wala akong kayang patunayan sa kanya. Sa pagtatagpo namin buntong-hininga lamang ang ipinararating nya sabay sabi sa katagang “tingnan mo ang tatamad nila”.

Ang katagang iyon ang humatak sa akin pabalik sa ngayon, nais kong patunayan sa kanya na ang “tamad” na katulad ko ay may mararating. Marami akong gustong iparating sa kanya mula sa kaibuturan ng aking puso. Pero sa ngayon ito muna-sa gusot na papel, sa isang bungkos na buntong-hininga at sa gabing tila hindi na uumaga. Inspirasyon kita sa bawat tagumpay ng aking buhay.

BF-ness


Wala akong dapat ipagpasalamat, siguro, dahil kung utang man ito, alam ko kahit hindi tayo magkwentahan ay bayad na ako kahit interes ay dagdagan.

Isang taon at dalawang araw din nating napagt’yagaan ang ugaling ‘di maintindihan. Isang taon, mukhang maikli pero para sa akin mahaba itong labanan. Labanan ng pagtitiis mo’t kabaliwan ko. Nang pagluha ko at kawalan mo ng pakialam. Nang kakitiran ng utak natin, ng babaw ng tawa at lalim ng pangarap.

Nagpaalam ka at wala ng babalikan. Ako’y namaalam pero hindi sa’yo kundi sa pagkakaibigan. Hindi ako nagsisisi pero nanghihinayang. Saan? Sa pangakong ating binitiwan pero gaya ng huli mong mensahe, wala na itong bawian. Wala akong pinagsisisihan maliban sa mga pagkakataong kasama ko ang tagumpay pero wala akong kakampay. Pero binago mo ako sa paraang di kayang tanawin ng mata at arukin ng isip. Mali pala ang umpisa, magpapasalamat pala ako kahit huli na. Salamat sa taong iniwan mo sa akin para makasama, sa bagong ako na ginawa mo. ‘Yun lang siguro, para sa iba bayad na ako.

Hindi ko hinangad na ibalik ang pagkakaibigang tinapos mo. Para saan pa? Hindi na natin maaayos ang isang bagay na matagal nang wasak. Winasak ng kawalang tiwala, ng pagibig, ng oras, ng panahon, ng pagkakataon. Nang magsimula tayong humakbang patungo sa magkaibang landas, sinigurado nating wala na tayong naiwan. Pati nga yata alaala tinangay nang walang paalam.

Nagayon nga ay malayo na tayo--maliligaw na kung babalik, masusuka na kung patuloy na gigiit. Sabi nga ng isang makata “Ang umaalis ay hindi na nagpapaalam at ang nagpapaalam ay hindi na bumabalik”. Matapos mong mamaalam hiniling kong ‘wag ka nang babalik at akong namaalam upang hindi na makabalik.

Isang bagay na lang ang dapat kong gawin--ang pagaralang lumimot. Wala na ang ikaw, wala na ang forever. Paalam sa iyo taong pamilyar ang mukha pero di ko alam ang pangalan.

I Hate SEC People!


Limang buwan na ang nakakaraan nang hirangin ang mga piling estudyante mula sa buong (insert school name) na noon ay (insert old school name) pa. Ang mga piling estudyanteng ito ay inihalal upang kumatawan sa mga mag-aaral at upang paunlarin ang Kolehiyo katulong ng administrasyon.

Ano na nga ba ang nagawa ng mga pili ng estudyanteng ito na kung tawagtin natin ay Student Executive Council (SEC)? Maliban sa Acquintance Party na isa nang tradisyon na dalawang linggo pang nagpaurong-sulong. At sa Teacher’s Day noong nakaraang Disyembre na hin di isandaang porsyento ng mga guro ang dumalo dahil sa kakulangan ng oras sa paghahatid ng balita—ano na nga ba ang nagawa ng SEC? Limang buwan na nakkaraan, wala pang gaanong nakikitang pagbabago. Mas gumanda na nga ang paaralan at ang pangangailangan na lang ng mga estudyante ang tutugunan, wala pa rin aksyon? Baka nga hindi pa nila batid ang pangangailangan ng kalipinan ng mga taong dapat sana’y kanilang pinaglilingkuran. Sana.

Nasaan na ang ipinagsisigawang propaganda nang mga nais manalong kandidato noong Meeting de Avance? Nasaan na ang angas na ipinangangalandakan ninyo sa ikalawang palapag ng building ng Education Department sa lumang (insert old school name)? Ang tungkol sa sirang CR sa bagong paaralan sira na’t lahat ‘di pa lam. Oo, alam naming nagpa-meeting na kayo tungkol dito, pero salita na naman, lagi nang salita nag napapala sa inyo. Bukod doon? Wala! Kailan kayo magigising?

Tama ang kasabihang “Politics is dirty” pero sa tingin ko politicians are dirtier. Ano pa bang maaasahan sa pamahalaang Arroyo, kung ‘yung SEC dito sa kolehiyo kung saan ako kabilang ay ‘di kakitaan ng hakbang para sa pagbabago?

Hindi away ang hanap ng lathalaing ito—aksyon. Hindi ito tungkol sa personal ninyong buhay—ito’y obserbasyon. Hindi posisyon ang inupuan ninyo—responsibilidad. Hihintayin na lang ba ninyo ang sunod na eleksyon? Hindi lang basta tradisyon ang organisasyong inyong kinabibilangan—kasaysayan. Kasaysayang iniuukit ninyo sa mga haligi ng (insert new school name).

Kung paano n’yo ito tatanggapin at gagawan ng aksyon, trabaho n’yong isipin ‘yun. At ito ang trabaho namin, ang kalampagin kayo.

Tuesday, January 19, 2010

Ang Mundong Binuhay ng Dilim





Mahal ko ang gabi, higit sa sinuman at kahit na sa ano pa man sa mundong ito. Dahil sa gabi nailalabas ko ang mga bagay na hindi kayang tanggapin ng araw. Sa gabi pwede akong umiyak ng walang nakahahalata, pwede akong magsisigaw ng palahaw, pwedeng tumulo ang uhog at luha nang hindi nahihiya. Dahil higit kaninuman at ano pa amn, ang gabi lang ang umiintindi at nakakaintindi sa akin--sa mga bagay na ayaw ko, sa mga bagay na naging dahilan ng mga taong pasakitan ang pagiging tao ko.

Natuto akong magtiwala sa gabi, nang ang lahat ng tao’y iniwan akong hindi na makilala at mapakinabangan. Nang mga panahong kahit ang taong ‘di nila kilala sa loob ko ay kinain nila at ‘di nagtira. Tinanggap ako ng gabi. Inakap ako kahit putikan, hinagkan ako kahit ang mukaha’y ‘di pa nahuhugasan.

Mahal ko ang gabi--ang aking gabi. Natuto akong manghuli ng sakit para lamang siya’y makadaupang palad. Hinayaan kong sinipin ng lamig ang nangangatal kong laman para lang masabi n’yang ‘di ko siya iiwan.

Sabay naming kinakalimutan ang mga taong iniwan akong luhaan, ang mga taong nagagalit sa aking kaligayahan at ang mga taong humahalakhak sa aking pagkabigo’t kamalian. Sa gabi ako masaya. Sa gabing parating nariyan, sa gabing parating handa akong damaya at akapin ng lamig, sa gabing ‘di mawawala kailanman. Alam kong hindi ako iiwan ng aking gabi kagaya ng pagiwan sa akin ng kaibigan o kaibigan pa nga ba ang tawagan?

Ngayon nga’y kaniig ko ang gabi. Pinagsasaluhan ang lupit ng mundong hindi perpekto. Pero kahit panay luha ang ipinaabot sa akin ng araw, alam kong pagdapit ng gabi mawawala lahat ng iyon. Ang akin na lamang hinihintay ay ang aking paghimlay kasama niya. Habangbuhay.

Monday, January 11, 2010

Lamay

“Wala na ‘kong gaanong maalalang istorya. Siguro dahil pinilit kong tanggalin na sa isip ang mga nangyari, kasabay ng pagsunog sa mga gamit ko. Minsan iniisip ko 17 years old ako namatay pero hindi ako nailibing”

-Bob Ong (ABNKKBSNPLAKo?!)

Katulad n’ya, iniisip ko ring pagkatapos kong ipagdiwang ang ika-labing pitong kaarawan, namatay na rin ako. Namatay akong walang kakilala. Walang nakakakilala sa akin. Wala. Kahit ang sarili ko hindi ko rin kilala. Nakakatawa pero totoo. Pagkatapos kong ma-excite dahil isang taon na lang lalaya na ako sa poder ng aking mga magulang, mas masalimuot pala ang kakaharapin ko bago ko makuha ang kalayaang hindi ko tiyak kung gusto ko nga. Lahat sila nangunguna kung alin nga ang mas makakabuti sa akin. Habang busy ang lahat na pakialaman ang buhay ko, hindi nila nakikita at naririnig na ipinananalangin kong, “Sana nakakapili ng magulang, ng kapitbahay, ng makikialam sa akin”. Labing-pitong taong gulang na puro pagpapanggap. Pag-gusto sa ayaw. Pakikipaglokohan sa ngiti. Pakikipag-unahan sa luha. Nakakapagod.

Ako ang klase ng taong hindi mahilig magtanda ng bagay. Mangilan-ngilang masasaya at pinakamasasakit na bagay lang ang natatandaan ko. Kung bakit hindi ko rin alam, siguro dahil mas pinili kon g kalimutan ito. At araw-araw kong hinihiling na madaanan ako ni “amnesia” para isang pitik lang, isang kisap, wala na akong maalala. Kung ikaw ako, ‘di ka makakatagal. Ang parati kong kasama ay ang ako, si ako lang, wala ng iba. Wala kahit sino.

Hindi rin ako interesanteng tao. kat’wiran ko hindi ako “amusement center” o di kaya naman ay isang artistang bukas a ng buhay sa lahat ng paparazzi. Nakakapagod maging ako. Kaya mas pinili kong mamatay ng 17 years old, at katulad ng tao sa taas, di rin ako nailibing. Dahil kung nailibing man ako wala akong pambili ng kabaong at baka akalain ng iba na masama akong taong halang ang kaluluwa dahil ako lang ang makikiramay sa sarili ko. Pero kung papipiliin ako sa kabilang buhay na balikan ang buhay kong ito, malamang para sa iyo kalokohang balikan ang buhay na isinuka ko na, pero babalikan ko ang ako ngayon. Walang napapatunayan, walang kakilala kahit ang sarili, walang pinagkakatiwalaan. Bakit? Kun g wala man akong napapatunayan pa, aaksayahin ko ang buahy ko sa paghahanap ng wala para magkaroon ng meron, pipilitin kong makipagkilala, mapagod kausapin ang sarli at magtiwala,eh ano kung masaktan? Sabi mga, hindi mo mararanasan ang pakiramdam ng masaya kung hindi mo ito ikukumpara sa sakit na naranasan mo na. Katulad ng mahirap sabihing masarapa ang chocolate ng ibang bansa kaysa sa chocnut ng Pinas kung hindi mo pa natitikman ang dalawang ito.

Ngayon, patuloy muna akong magpapanggap na patay, mabuhay sa nakasanayan ko ng routine sa araw-araw. Hayaan na nating nakakapagod, mareklamo lang talaga ako pero hindi madaling sumuko. Hayaan nang hindi interesante basta kaya kong ipakilala ang sarili ko. Namatay man akong hindi nailibing, araw-araw na lang akong mananangis sa agunyas na tumutugtog sa utak ko tuwing ika-walo.

Friday, January 8, 2010

Para Kay A

Isang taon at limang buwan na rin pala ang nakakaraan. Magaling na rin pala ang sugat na nilikha mo ng hindi ko namamalayan Pagkatapos ng matagal na panahong iyon hindi ko na maalala ang mga away at problemang ating nalampasan. Ang malinaw ngayon ay ang alaalang pinilit itabi ng puso ko. Hindi madaling lumimot. Kahit ilang beses kong pilit iwaglit ang mga nagdaang panahon, ang pagkakataon ang nagbabalik ng mga alaalang matagal nang dapat ibaon.

Natapos na pala ang isang buwan, dalawampu’t apat na araw at labing isang oras na itinagal nating magkasama. Tapos na ang HHWW at harutang ikinagagalit ng matatanda sa sasakyan. Tapos na ang panahong nangako ka ng forever. Siguro ganun lang talaga katagal ang forever mo. ‘Di na din ako iiyak at ‘di ka na rin magpapanggap. Ganun ka lang talaga kadaling magsawa at ganun lang ang kapasidad mong magmahal. Masakit noong umpisa pero napapag-aralan din namang maging masaya. At hindi na kailangan ng matrikula para matutong muling tumawa.

Ang mga tao lamang sa paligid ang hindi madaling maniwala. Dahil sila ang parating huhusga. Sila ang paulit-ulit na magpapaalaala ng sakit, ng sugat, at ng peklat na ayawkong makita pero ayaw kong matanggal. Dahil sa sa’yo natuto akong tumawa at maging masaya. Sa iyo ang bukas ay buhay, ang tawa ay pag-asa at ang bawat pisil sa kamay ay kasiguruhang hindi ka magsasawang umunawa. Dahil minsan mong ipinadamang ako at ikaw ay iisa. Walang puwang ang lungkot at hindi mo maaalala ang dusa.

Ngunit ang lahat ng saya ay natatapos sa luha. Dahil ikaw rin ang taong huhusga kung gaano ako kahinang magpasya. Ikaw ang taong manunumbat ng pagkukung na dapat sana’y ‘di mo hinanap at nakita sa iba. Dahil hindi ka marunong maghintay at magpahalaga. Ang taong nakukuha pang tumawa habang lugmok na ako sa dusa at pinahihirapan ng alaala.

Katulad ng kasabihang magpapagaling ang panahon gayundi’y ako’y kanyang napagaling. Nakita kitang kasama ang bago mong mahal. Hindi na ako nangarap na sana’y ika’y aking kapiling at masaya. Tapos na ang kabanatang ako at ikaw. Ngayon ako’y humiling na sana’y kayo’y magtagal pa.

Monday, January 4, 2010

Sa Aking mga Kapatid


Nakakapagod nang sumulat ng kwento tungkol sa naunsyami kong pag-ibig, sa hindi malilimutang karanasan, sa kinatuwaan kong palabas at sa bagay na nagpasaya sa akin ng panandalian lamang. Naisip kong kahit wala akong kasintahan ay masaya pa rin ang buhay, kahit makalimutan ko ang hindi ko malilimutang karanasan at hindi ko na maalala ang kinatuwaan kong palabas at hindi na ako maging masaya sa nagbigay saya sa akin noon ay wala rin naman malaking pagbabagong maidudulot ito sa akin ngayon.

Bumaba ako sa gusaling aking tinitirahan upang pasumandali’y makihalubilo sa mga tao. Mas marami akong natutunan sa kanila. Nakakangawit pala ng paa ang maglakad kasama ang mga nagwewelgang drayber upang pakinggan lang ang kanilang hinaing. Nakapanlulumo palang marinig ang iyak ng isang inang nawalan ng anak dahil sa pagkakadukot dito at walang awang pagpatay dito. Nakalulungkot isiping habang ang ibang tao’y nagpapasasa sa bagay na hindi talaga para sa kanila ay may mga kababayan tayong halos isang beses o kung minsa’y hindi na kumakain sa isang araw. Nakakapagod palang sumigaw kung sa bawat pagpiglas ng tinig mo’y halakhak lang ang itutugon sa’yo.

Ngayon, nauunawaan ko na ang mga kapatid kong Pilipinong nakikibaka upang magkaroon ng magandang bukas ang susunod na salinlahi nila. Nauunawaan ko na din ang mga taong lumalaban sa pamahalaan dahil ramdam ko ang nais nilang ipaglaban. Nauunawaan kong hindi karahasan ang nais nilang ihasik kundi pagbuhay sa nagyeyelo nang pagkamakabayang ng kababayan nila. Hindi dugo ang nais nilang ihasik sa bandilang araw-araw nating pinapangakuan at araw-araw na inaawitan kundi pagkakaisa. Nauunawaan kong mahirap ang maging mahirap, at masakit na makitang walang nakauunawa sa bagay na iyong ipinaglalaban.

Habang pinapakinggan ko sila, hindi din pala gaanong kahirap ang buhay dahil masaya silang nangangalay dahil hindi sila nawawalan ng pag-asang balang araw lahat ng hinaing ay pakikinggan at lahat ng problema’y masosolusyunan. Ang pag-asa ang bumubuhay sa aking mga kapatid na nabubuhay sa kalye upang manawagan ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay. Alam nating sa mata ng Diyos lahat tayo ay pantay-pantay pero habang kumakalam ang iyong sikmura, nakaratay sa ospital ang mahal mo sa buhay, lumalaking mangmang ang iyong anak at lalong dumidilim ang bukas, hindi mo maiiwasang magtanong.

Ngayon, kagaya nila’y ipapaalam ko ang aking hinaing, ipadadama ko ang aking hibik at ipapamalas ko ang aking kakayahan. Ano kung bawiin ang buhay na pahiram sa akin, ano naman kung magkasugat ako dahil sa pagbomba ng tubig sa akin, ano naman kung pahirapan ako hanggang mamatay basta marinig nila ang hinaing ko kasama ang aking mga kababayang humihiling ng pagbabago. Wala man akong nakikitang magandang bukas sa ngayon, at solusyon sa lahat ng problema, alam ko hindi man ngayon o bukas, magkakaroon ng silbi lahat ng ipinaglalaban namin kasama ang mga kapatid kong aktibista kung tawagin.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails